Sep 27 2009
Mga Biktima ng Bagyong Ondoy
Kahit po nasa US na ako, nakikimiron pa rin ako sa mga balita sa atin. Naku nagulantang na lang ako at nagsitaas ang metro ng high blood dahil sa laki at dami ng nasalanta sa Metro Manila ng Bagyong Ondoy. Aba ay 42 inches raw ang taas ng tubig! Ulan ng isang buwan, bumuhos ng isang araw. Sa isa pang balitang napanood ko’y mayron ba raw ilang mas malakas na bagyo kaysa rito pero kapag sinabi na nilang “catastrophic proportions” seryoso na ito. Sino ang mga biktima ng Bagyong Ondoy?
Marami pong nag-email sa akin na ang kanila raw kamag-anak nasa bubong pa hanggang ngayon. Yun nga hong tiyahin ko nasa bubong pa, basang basa. Beynte kwarto oras na wala pa ring rubber boat, gutom, basa at pagod na silang kahihintay. Marami rin ang stranded sa LRT dahil kung bababa sila ay baka matanggay sila ng malakas na baha. Sa mga evacuation centers naman, ang daming batang walang pagkain at walang kumot man lamang.
Paano tayo makakatulong?
- Ipanalangin po natin ang mga taong nasalanta ng baha
- Ipanalangin natin ang kalakasan ng mga rescue workers
- Maglagay tayo ng badges at mag-sulat sa email o blog ng nangyari sa Pilipinas. Mayron po ang BarrioSieteng awareness plan dito.
- Gawin natin ang ating makakaya para sa mga biktima ng baha.
Kung di tayo tutulong, kung iisipin nating “Sila na lang ang bahala” paano na ang mga taong nangangailangan ng tulong?
Kung nais natin ng pagbabago sa ating lipunan at gubyerno, ito ang isa sa paraan na kumilos tayong mga kinabukasan ng bayan. Malapit ka ba sa Maynila? May luma ka bang sapatos at damit? Malayo ka ba sa Pilipinas? May mata at palad ba tayong ipikit sa panalangin?
Kung di ngayon, kailan? Kung matutulog tayo, may mas depraved victim na matatagpuan dito–Tayo!



