Nov 28 2008

bubbajasmahal

Sinasabit na Nila

Posted at 6:21 am under Uncategorized

Napadpad ako sa kahabaan ng Brewster Road kahapon bitbit ang isang kahong pang alta-dyabetes na mga donut para sa aking mahal na asawa. Aba naman po, at nagkakabuhol buhol na ang mga sasakyan sa kalye. Di dahil nagkabanggaan na ang mga bus at dyip sa kalye kundi may malaking trak na punong ng mga ilaw na isinasabit sa bawat poste mula bayan sa silangan hanggang kanluran. Aba at pasko na pala. Di ko namalayan dahil sa dami ng mga kabalbalan kong gawa dito sa pag blog blog na ito. Kung itanong mo nga sa akin kung anong araw ba, ay di ko na alam. O kung maaga ba o gabi na ay di ko rin sigurado. Ang tanging nalalaman ko lang ay kung kailan magpapadede ng bata at kung gutom na ang mga pasal kong anak dahil si Mommy ay nasa kompyuter na parang bruha. Di na nakakasuklay ng kanyang buhok.

Speaking of buhok, buhok, wag na nating pag usapan yan. Wala na akong oras mag-pakulot para sa Filipino Christmas party dito. Wala na rin akong panahong magpagupit, at mag-ahit ng bigote. Teka teka. Wala naman akong bigote, medya medya lang. At wala naman akong laban sa mga nag desisyong mag-bigote, ma-lalaki o babae ka man. Kung sa babae, ok lang basta wag lang kasing tigas ng steel wool yang nasa baba nila. kung lalaki naman wag naman pong gayahin si Santa sa kanyang kahabaan ng balbas. Babala lamang, mainit init pa rin dito sa atin, baka magimbita ng surot at kuto ang mga bigote natin dyan.

Kaya ang aking payo sa ating lahat, kasama na ako dyan ay maging presentable po tayo sa darating na halalan, este sa darating na Araw ng mga Patay, ay sa darating na kapaskuhan pala. Wag gayahin ang di ko panunuklay. Mag-laba at magtiklop po tayo ng ating mga damit. Magpalis at magwalis ng buong bahay para naman kung magsabit tayo ng parol ay di magmukhang Halloween haunted house na puno ng agiw. At isa pa ay Mama-lantsa at mag-almirol ng ating mga maayos pang mga damit. Kahit na di bago at medyo noong isang taon pa ang estilo ng ating mga damit, ok lang yon, basta’t malinis at mabango tayo habang nag-caroling o kaya nahingi ng aginaldo.

Saka na lang tayo magpagupit at bumili ng bagong get-up sa Divisoria kapag naipon na natin ang ating mga aginaldo. At kung ako lang ang matanong ano? Sa December 27, hanapin nyo lang ako sa bargainan at ukay-ukay sa tabi tabi riyan. Solb na ako ron.

No responses yet




Comments are closed at this time.

Trackback URI |